kwento ng bata
Wednesday, May 03, 2006
bangungot lang ito...
Ambilis ng mga pangyayari. Mayroon na nga akong kamalayan sa mga nagaganap sa paligid ko. Subalit nakaiwas pa rin ito sa aking pakiramdam.
Buhat na naman sa isang jeepney. Hinablot ang aking bag sa aking pagbaba. Napakabilis nito, ngunit tila naglalaro ang oras at tumigil ang mundo. Kaba ang humambalos sa aking katawan. Takot. Tanging laman ng isip ay ang pamilyang binubuhay ng pera. Naturingang ako ang nangangalaga sa bumubuhay sa aming pamilya. Naroon iyon, sa aking bag. Ano na'ng gagawin ko? Hindi ko na alam. Paano na kami? ...Sadyang malupit ang mundo. Sabay ng pagharurot ng jeep, ako'y naiwang humahagulgol sa pagkakaluhod sa kalsada.
Gabi sa aming tahanan. Nakapagtataka sapagkat parang wala sa sarili ang ate ko. Binuksan niya nang malaki ang bintana. Kumuha siya ng papel at nagsulat dito. Tanong ko, "Anong ginagawa mo?" Sagot niya'y "May sinasagutan akong mga tanong. Alam mo natatakot talaga ako, pero kailangan kong gawin e". At kanyang hinayaang liparin ang sinulatang papel sa bintana. Hindi ko maintindihan. Pumasok siya sa isang silid nang walang kahirap-hirap, ngunit nang ako na'y tila sampung tonelada ang pinto. Nakadama rin ako ng malamig na hangin.
Napagtanto ko na mayroong nakapangingilabot na nangyayari rito. 'Di kalaunan ay nasabi na rin ng aking ate na mayroong hindi maipaliwanag na namamahay sa aming tahanan. Dahil sa alam niya ito, kinailangan niyang mangausap sa pamamagitan ng pagsulat.
Hindi ko pa rin malaman kung bakit nangyayari ito. Kasama ang aking ditse, naghanap kami ng maaaring makalutas nito. Subalit kami'y walang napala sa aming mga napuntahan kung hindi ang mapaligiran lamang ng kilabot.
Humiga ako sa sopa ng gabing iyon, hindi pinansing katabi pala ang bintanang minsa'y nabuksan nang napakalaki. Tumingin sa kaliwa, nakitang nakatitig ang ditse. Napansin ko namang, may nagbago sa kanya. Natakot ako. Ano ba'ng nangyayari dito? Hindi ako makagalaw. Pinipilit na bumangon ngunit nabibigo lamang. Anglamig. Mayroon pang panginginig. Sa napakaraming beses na nagpumilit makabangon, isang salita lamang pala ang kailangan. Sa isang bigkas ng napakamakapangyarihang kataga lamang pala malalagpasan ang katakutakot na karanasang ito. Sa pagtatapos ng aking nakapangingilabot na bangungot, isang bigkas lang, "LORD."
ano to??4:07 PM
<- back to entry^_^
*-----.o(=3)-----*
|